Thursday, March 29, 2012

Dream On Chapter 7

Links to this post 5 comments :

Mula sa may pintuan ay iniluwa nito si Rolly. Hindi ko akalain na siya pala ang kapatid ni Renz. Kung sa ugali at sa ugali lang din naman ang batayan ay di hamak na mas mabait si Renz kay Rolly. Hindi pa man kami nagsama ni Renz ng matagal at ni hindi ko pa rin siya lubos na kilala ay masasabi kong mas lamang siya kay Rolly. Maalaga, Maaalalahanin, masipag, at mapagmahal. Iyon naman ang kabaliktaran na nakita ko kay Rolly. Pero sino ba ako para manghusga ng isang tao ganoong hindi ko naman sila talaga kilala ng husto. 



Gayon pa man, hindi pa rin nawawala ang paghanga ko kay Rolly sa simula’t simula pa lamang noong kami ay nagkita. 



Transferee siya noon sa aming eskwelahan at nagkabanggaan kami sa pagpila sa para makapag enroll. Siya ang nakabangga sa akin dahil na rin siguro sa kanyang pagmamadali. Humingi naman siya ng pasensya sa kanyang nagawa ngunit pagkatapos noon ay tinungo na niya ang pila. Kita mo sa kanya na hindi talaga siya sanay sa mga ganong pilahan. Ayaw ko din namang tulungan siya kahit na gustong gusto ko. Suplado kasi ang dating niya sa akin kaya hindi ko na lang siya pinansin. Ngunit lihim ko naman siyang pinagmamasdan habang ako din ay nakapila. 


Monday, March 19, 2012

Dream On Chapter 6

Links to this post 4 comments :


by: Jojimar Abarido


Nagulat ako sa kanyang ginawa. Hindi ako makagalaw o makaimik. Para saan naman kaya iyong halik na iyon sa aking pisngi? Hindi ko inaasahan ang ganong kaganapan. Ang weird. Kahapon, tinulungan nila ako sa pagkakabugbog sa mga adik na yun. Tapos ngayon gumising ako ng gulong gulo ang isip sa mga nangyayari, sa mga pinagsasabi sa akin ni Renz. Tapos hindi man lang ako sinagot ng deretso para man lang sana ay malinawan ako sa mga nangyayari. At magpasalamat sa lahat ng itinulong nila sa akin. Ngayon, hinalikan ako. Iyon ba ang kapalit ng mga ginawa nilang pagtulong sa akin? O dala lang ng bugso ng kanyang damdamin? Di ko alam. Pero ang alam ko, may namumuo ring kung ano dito sa puso ko. Alam kong mabuting tao siya kahit ngayon pa lang kami nagkita.Ako ngayon ko pa lang siya nakita pero sya, ang dami na niyang alam sa akin. Alam ko ring hindi siya mahirap mahalin. Pero baka naman nag-aasume lang ako na mahal nya nga rin ako? Baka panaghinip lang talaga ang nangyari kanina. Pero hindi eh, totoo ang lahat nang iyon. Dama ko. Damang dama ko. 



“P-pasensya ka na. Di na mauulit. Pasasalamat ko yun sa iyo dahil sa wakas nandito ka na, hindi na namin hinahanap, at ligtas ka na.” saad sa akin ni Renz sabay lingon sa kalangitan. Malalim ang iniisip. Tahimik. 



Mga ilang minuto pa ang nagdaan matapos akong halikan ni Renz sa pisngi ay wala sa aming nagsasalita. Nakatingin lang siya sa ganda ng kalawakan noong mga gabing iyon. Ako naman ay ganon rin at nakikiramdam kung anong mangyayari. 



“Tara na! Pasok na tayo sa loob. Mahamog na eh. Baka mas lalo kang magkasakit nyan” saad sa akin ni Renz sabay tayo at pagpag ng kanyang pantaloon sa may pwetan dahil may mga buhanging dumikit dito sa kanyang pagkakaupo. Inalalayan naman niya ako upang makatayo. Paika-ika akong naglakad dahil sa sakit ng katawang dinanas ko kahapon at nadagdagan pa ata kanina noong nagkanda dapa-dapa na ako sa paghahanap sa ulupong na ito. 



Napansin yata niya na hirap ako sa paglalakad. “Kasi naman ehh. Sumunod pa kasi.”Mahinang sambit niya ng paninisi ngunit rinig ko pa rin. Hindi na lang ako nagsalita pa. 



“’lika, buhatin na kita.”sabi sa akin nito. Mula sa harap ko ay umupo siya upang madali akong makasampa sa kanyang likuran. Napatigil naman ako sa kaba at hiya. 



“Ano na?”dagdag pa nito pagkatapos ng ilang minutong paghihintay niya dahil hindi pa ako nakasampa sa kanyang likuran. 



Dala ng hiya at hindi ko na din kaya ang sakit ng katawan dahil pasa pasa pa ito, sumampa na ako sa kanyang likuran. Hawak niya ang dalawang binti ko at ako naman ay nakayakap sa kanya mula sa likuran. Ang init ng kanyang mga balat. Tumatagos ito sa kanyang pulang t-shirt na suot. Pumikit ako habang binabaybay ang daan pauwi. Hindi man sinasadya, amoy ko ang kanyang pabango. Ang sarap niyang amuyin dahil sadyang napakabango nito. 



Nagulat ako noong minulat ko na ang aking mga mata. Hindi ko namalayan na nasa loob na pala kami ng bahay dahil nakapikit ako at abala sa pagsamyo ng kanyang amoy na nakakadala. Napakasarap ding mahimlay sa kanyang mga bisig dahil matitigas ito. Parang ligtas na ligtas ako sa kanya. Napakapayapa ng pakiramdam. Napakagaan sa loob. 



“Sige. Dito ka muna sa likod ko. Nag e-enjoy ka pa naman eh. Masarap bang humuga sa likod ko?”ani nito na may pangisi ngisi pang nalalaman. 

Wednesday, March 14, 2012

Dream on Chapter 5

Links to this post 2 comments :


by: Jojimar Abarido



“Renz.” Sabay lahad nito ng kanang kamay at ang kaliwa nama’y kamot ang kanyang ulo.



Inabot ko ang kanyang kamay at nagpasalamat dito.



“Salamat talaga. Kung hindi dahil sa inyo baka kung ano na ginawa sa akin nung mga gagong iyon. Diba dalawa kayong nagligtas sa akin? Asan na yung isa?”sabi ko dito at inumpisahan nang lantakan ang pagkaing dala niya. Halos mabulunan naman ako sa sabay-sabay na pagsubo ko dito.



“Ahh. Si kuya? May aasikasuhin daw sila ni Madam na importanteng papeles kaya maagang silang umalis kanina.”saad niya sa akin na animo’y natatawa sa aking hitsura habang tinitingnan ako.



“Ako nagluto niyan para sayo. Masarap ba? hehe”dagdag pa niya.



“Oo. Masarap, sobra.!” saad ko naman dito pagkatapos lumulon ng subo kong pagkain at nag thumbs up. Ewan ko kung masarap nga ba talaga ang niluto niya o hindi. O dahil siguro ay talagang gutom lang ako. Itlog at hotdog lang kasi iyon at wala naman kasing pinagkaiba kung ako ang magluluto pero nakakahiya naman kung barahin ko siya sa lahat ng ginawa niya at ng kuya niya sa akin.

Tuesday, March 13, 2012

Dream On Chapter 4

Links to this post 8 comments :
by: Jojimar Abarido


Nagising na lang ako na dinidilaan na ng isang aso. Panaghinip lang pala ang lahat nang iyon. Pero masarap sa pakiramdam. Kahit sa panaghinip lang naramdaman ko pa rin ang pagmamahal. Pero bakit sa dinami dami ng taong pwede kong mapanaghinipan ng ganon, bakit si Rolly pa?

Kinapa ko ang aking dibdib at naghanap ng kasagutan dito. “Haist! Sana nga!”sabi ko sa aking sarili.  Ngumiti ako’t nagsimula ng umuwi.

Pagdating ko ng bahay ay sermon na naman ang inabot ko. Saan daw ako natulog. Keso daw natututo na akong gumala at sumuway sa kanilang mga utos. Mga ganoong paratang na wala namang katotohanan. At gaya ng nakagawian ko na, labas masok lang sa aking tenga ang kanyang mga sinasabi. Ayaw kong masira ang ganda ng araw ko ngayon.

Masigla akong naglinis ng bahay at nagluto. Pagkatapos ay naghanda na ako para makapasok na.

“Mr. Matienzo, I would like to tell you that you’re one of the candidate for Cum laude. Congratulations.” Balita sa akin ng aking guro pagkatapos ng Orientaion para sa Graduation day.
At dahil sa sobrang tuwa at kabiglaan, bigla ko na lang niyakap ang aking guro nang sobrang higpit. “Thank you sir. Thank you.” Sabi ko dito nang di pa pinipigtas ang pagkakayakap ko sa kanya.

Monday, March 12, 2012

Dream On Chapter 3

Links to this post 3 comments :


by: Jojimar Abarido



Nag aalangan ako kaninang lapitan ang matanda dahil may napansin akong isang lalaki na kanina pa siya pinagmamasdan sa di kalayuan. “Ahh, baka isa lang siyang mabait na taong nag-aaalala sa kalagayan” sabi ng isip ko. “Baka naman isang adik na may gustong gawing masama sa matanda.” saad naman ng kabilang isip ko. Di ko maaninag ang kanyang itsura ngunit sa tingin ko ay parang binabantayan niya ang matanda. Hindi ko tuloy maiwasang mag-isip kung bakit naman nya binabantayan ito? Para kanino? Para saan?  O kung binabantayan nga ba ito o may masamang binabalak. Pero bakit sa pulubing matanda pa siya magbabalak ng masama ganung wala naman itong makukuha sa kanya.

Tiningnan ko agad kung saan ko kanina nakita ang lalaki ngunit bigong mahagilap ng aking mga mata ang lalaki na kanina ay nasa di kalayuan lamang, nagmamatyag at nagbabantay.

Pungas ang mata niya at inaaninag kung sino ang nagsasalita. Masuri niya akong tiningnan at noong makilala na nya ako ay ngumiti ito’t nagpasalamat.

Sunday, March 11, 2012

Dream On Chapter 2

Links to this post No comments :

Dream On Chapter 2 



Dobleng kaba ang naramdaman ko noong sabihin sa akin ni Rolly na kailangan niya akong makausap. Nang mag-isa, malayo at hindi matao, nang kaming dalawa lang.



Hinanda ko na lang ang sarili ko sa kung ano man ang mangyayari mamaya pagkatapos ng aming klase. Balisa ako’t nangangatog ang tuhod. Halos mahimatay ako sa tindi ng kaba kung ano ang pag-uusapan namin. Namumutla at nanginginig sa takot. Takot dahil alam kong wala itong pinapalampas kahit na sa simpleng sagi lang sa kanya. Lagi kasi itong mainitin ang ulo kaya naman sa ibang bagay niya ito binabaling. Ang panggugulpi o di kaya naman ay tumakas sa klase upang mag-inom kasama ang mga basagulero nitong barkada.



Alam ko sa sarili ko na iba siya sa kanyang mga barkada. Ewan ko ba kung ako lang nakakapansin o kung bakit sa kabila ng kanyang pilyo at bruskong ugali ay humahanga pa rin ako dito.

Dream On Chapter 1

Links to this post 2 comments :

Dream On Chapter 1


“Ramil!!!!!...”tawag sa akin ng aking tiyahin na kala mo ay nasusunog na ang bahay. Na halos umabot na ang boses sa kabilang kalye kung makasigaw.

“Bumangon ka na dyan. Tanghali na nakahilata ka pa rin. Mag-igib ka na ng tubig at wala na namang laman ang drum. Pagkatapos mo mag-igib, mag luto ka na at ng may malamon naman tayo at maglinis ka na rin ng bahay. Tingnan mo oh para ng basurahan itong bahay natin. Nakakahiya kapag may bisitang dumating. Hindi lang yung puro ka lang tunganga. Walang silbi. Bilis. Bangon na.” mahabang litanya sa akin ng aking tiyahin.

Nakasanayan ko na rin ito. Halos-araw araw kasing ang mala-armalite na bunganga ng aking tiyahin ang nagsilbi kong alarm clock sa aking paggising. Pasok sa kabilang tenga at labas naman sa kabila ang lahat ng kanyang sinasabi dahil alam ko sa sarili ko na wala ring patutunguhan kung didibdibin ko ang kanyang mga sinasabi at sasagot pa dito. Ako lang ang lugi. Kaya ang seste eh sunod na lang at nang hindi mapagalitan.