Wednesday, April 8, 2015

Red Rose Chapter 02

Pauna:

Pasensiya na po sa kaunting delay. Naghahanap na kasi ako ng trabaho ngayon bukod sa ibang mga bagay-bagay na pinagkakaabalahan ko.

BTW, inalis ko na sa Wattpad yung nailagay kong kwento ko. Nakokopya pala siya doon tulad ng sabi ni kuya Mike. Sorry po.

Sana magustuhan niyo ang kasunod na yugto ng Red Rose. Salamat sa mga nagcomment nung unang chapter you guys are pushing me to write again talaga kaya pag-iigihan ko pa lalo. Please don't forget to leave a comment!

Before I forgot, Ryan Fields, I've been tinkering with my blogger account and it brought me to your site. THANK YOU SO MUCH FOR THE ARTICLE. Great articles. I've added your site ryan-field.blogspot.com on my follow list.


Red Rose
Chapter Two: When Fate Intervenes, Lives Are Intertwined

by Jeffrey Paloma
email: jeffrey.paloma@gmail.com
URL: http://jeffyskindofstory.blogspot.com

Dahan-dahang lumapit ang nurse kay Porter. Maingat siyang yumuko ng bahagya upang pakiramdaman pa si Porter. Biglang bumukas ang seradura ng pinto ng silid. Nagulantang ang nurse at napatingin sa pinto nang bigla itong bumukas. Agad siyang pinawisan ng malamig. Pumasok si Melvin sa pinto.

Saglit na nagkatitigan si Melvin at ang nurse. Nagmamadaling lumabas ang nurse na nakayuko at may nahihiyang ngiti. Takang-takang sinundan ni Melvin ng titig ang nurse.

Nang makapasok si Melvin sa silid ay napansin niyang tulog na si Porter. Nilapit niya ang silyang upuan niya kanina sa gilid ng kama ni Josias at naupo.

"Friend. Ano nangyari sa iyo?", ang mahina niyang sinabi sa walang malay na kaibigan.

"Naririnig mo ba ko? Ano feeling ng walang malay?", ang tanong niya pa kay Josias parang inaaliw na lang ang kanyang sarili dahil sa wala siyang makausap. Beep lang ng aparatong nagmomonitor sa kundisyon ni Josias ang maingay sa mga sandaling iyon.

"Alam mo ba, friend? Ang gwapo ng nagligtas sa iyo.", ang pabirong sabi ni Melvin at napangiti. Kinuha niya ang phone niya sa kaliwang bulsa ng kanyang khaki shorts at nagtext sa kanyang boyfriend upang ipaalam ang kanyang kalagayan. Naisip niya bigla si Jo kung may boyfriend ba ito o wala pagkatapos niya maipadala ang kanyang text.

"Alam na kaya ng boyfriend mo to? Meron ka ba ngayon?", sabi ni Melvin kay Jo di umaasang makarinig ng sagot.

Ilang saglit lang, dinapuan na rin ng antok si Melvin habang pinagmamasdan ang wall clock sa taas ng pader sa kanyang harap.

Dalawang oras ang lumipas nang makabalik ang mag-asawa. Nilapitan ni Conshita si Porter at maingat na ginising. Gulat na naalimpungatan pa rin si Porter.

"Porter, andun sa mesa ang pagkain mo at eto yung damit mo. Binilhan ka na rin namin ng sabon, shampoo, at bagong tuwalya. Medyo mabaho ka na rin kasi.", ang nahihiyang sinabi ni Conshita dito dahil mula pa nang magpakilala si Porter ay umaalingasaw na siya.

"Maligo ka na muna sa CR.", dagdag niya habang inaabot ang isang malaking paperbag ng Bench at isang supot ng SM na kulay dilaw.

"Salamat po.", ang sabi ni Porter bago tumayo at tumungo sa pinto palabas. Nahihiya siyang magtanong kung saan kaya nagbakasakali na lang siyang magtanong sa labas.

"Dito yung CR.", turo ni Conshita kay Porter sa isang pinto sa tabi ng pintuan papasok ng silid nang mapansin niyang palabas ito ng kwarto.

"Akala ko bodega to.", natatawang sabi ni Porter bago pumasok sa CR. Mga ilang minuto lang at natapos agad siyang maligo.

Nakabihis na siya nang lumabas sa CR. Suot ang bagong shirt na stripes na puti at pula na maganda ang fit sa kanya. Ganoon din ang bagong maong na itim na tumerno sa suot niya.

Naabutan na lang niyang nag-uusap ang mag-asawa. Umiiyak si Conshita habang tulala naman si Pacorro.

"Nakakahiya naman. Hindi ko rin kaya tiisin na makita sila ng ganyan. Hindi ko kaya mga ganyang eksena.", sabi ni Porter sa kanyang sarili. Nilabas niya sa kanyang bulsa ang kanyang telepono at pinili ang kanyang number.

"Ah... tita... tito...", ang singit ni Porter. Inabot niya ang telepono niya kay Pacorro.

"Iyan po phone number ko. Palagay na lang din po ng sa inyo. Gusto ko po kasi malaman kapag gumising na si Josias.", ang sabi niya. Kinuha ni Pacorro ang kanyang telepono at kinopya ang number ni Porter bago ilagay ang kanilang numero sa phone niya.

"Hindi kami mayaman pero kung may kailangan ka, magsabi ka lang ha? Gagawan natin ng paraan.", ang sabi ni Pacorro pagkaabot niya pabalik kay Porter ng telepono nito.

"Wag ka mag-alala, babalitaan ka namin.", ang pangako naman ni Conshita magpunas sa mukha ng towel habang sumisinghot. Namamaga at mamumula mga mata niya kaiiyak.

"Mauna na po ako.", ang paalam ni Porter.

"Kumain ka muna. Sayang itong binili namin.", ang pigil ni Conshita sa kanya.

"Kailangan ko na po talaga umalis. Dalhin ko na lang po kung di po sa inyo nakakahiya.", ang nasabi na lang ni Porter. Di na niya matiis na maramdaman pa ang lungkot na nakikita niya sa mag-asawa. Di rin kasi siya makatiis kapag may nakikitang umiiyak.

Tumango si Conshita at ibinalik sa supot ng Chowking ang Yangchow na may siomai kasama ang disposable sfork at tissue. Kasamang inabot ni Conshita kay Porter ang supot pati ang isang medium disposable cup na may lamang softdrink.

"Salamat po ulit.", ang sabi ni Porter ng nakangiti bago lumabas ng silid.

Di na nakatiis si Pacorro ng gutom. Hindi pa kasi sila nag-aalmusal. Agad niyang binuksan ang isa pang supot ng pagkain at sinimulan na.

Tumayo si Conshita at kinuha ang isa pang supot ng dala nilang pagkain bago lapitan si Melvin. Tinapik niya ito ng marahan sa balikat.

"Kain na. Hindi ko alam ang gusto mo pero sana magustuhan mo to.", ang sabi ni Conshita at inabot kay Melvin ang hawak. Napatingin siya sa dako ni Porter ngunit doon ay wala na siya. Lumingon si Melvin sa likuran niya't nakita roon si Pacorro na kumakain na sa mesang parisukat na dalawang tao lang ang kakasya kapag kumain ng sabay.

"Saan po si Porter?"

"Umalis na. Pagkabigay ko ng damit niya, naligo at nagbihis umalis na siya agad. Yung pagkain niya, dinala na lang niya. Binigay niya number niya sa amin. Kontakin ko daw siya kapag nagising si Jo.", ang kwento ni Conshita. Napatingin siya sa kanyang anak. Nabalot muli ng lungkot ang damdamin niya. Nakita ito ni Melvin.

"Mabait na tao yung si Porter, ano? Pagpapalain yun.", wika ni Conshita upang di mapunta sa sitwasyon ang usapan.

"Ano na po plano ni kay Jo?", tanong ni Melvin. Saglit na natahimik si Conshita.

"Yun nga iniisip namin ng asawa ko kanina. Magsasalitan na lang siguro kami sa pagbabantay.", ang sabi niya.

"Di ko maipapangako tita pero susubukan ko po dumalaw. "

"Salamat.", ang sabi ni Conshita.

"Ang problema namin talaga ngayon ay ang gastusin sa ospital. Ngayon pa lang, magkano na sigurado ang inabot ng bill ni Jo. Paano pa kaya ang matagal na ilalagi niya rito? Baka iuwi na lang namin siya.", ang dagdag niya. Hinilot ni Conshita ang kanyang noo dahil nananakit na ito kaiisip.

"Kung may oras po tulungan ko kayo dito. Turuan ko po kayo sa mga tusok-tusok. Pero ako ang magpapalit o maglilipat ng hep-lock.", sagot ni Melvin habang nakaturo sa suwero ni Jo.

"Oo nga pala. Kumuha ka pala ng nursing ano?", ang sagot ni Conshita.

"Patulong na lang kapag may panahon ka, ha?", ang dagdag ni Conshita. Tumango namang nakangiti si Melvin.

Maagang nagretiro ang mag-asawa sa kagustuhan ni Pacorro. Nabubuhay na lamang sila sa naitayo nilang negosyo na coffee shop sa kanilang lugar na sa awa naman ng Diyos ay di humihina ngunit di naman din ganoon kalakasan upang sila'y yumaman. Pangaraw-araw lamang na gastusin napupunta ang kita at ang karamihan ay napupunta pa rin sa pagpapatakbo ng negosyo.

"May mga kakilala ka ba na kaibigan o katrabaho ni Jo? Kailangan natin sila mabalitaan.", tanong ni Conshita.

"Sorry po, tita. Magkaiba po kami kasi ni Jo ng mga kaibigan. Di rin siya nagkukwento ng tungkol sa kanya masyado sa bihira lang din kami magkita.", ang sabi ni Melvin.

Nang ikalawang buwan ng pagtagal ni Josias ay inuwi na lang ng mag-asawa si Josias sa Calle Gardenia sa Cherry Grove. Dalawa hanggang apat na oras ang biyahe mula sa kamaynilaan depende sa bagal ng daloy ng traffic.

Ang Cherry Grove ay isang maliit na village sa gilid ng bundok sa Cavite kung saan karamihan ng bahay ay bungalow at may lupang one hundred square meters bawat isa.

Lumipas ang isang taon. Summer. Tanghali. Sa tahanan ng magulang ni Josias na may puting bakod na ang taas ay abot bubong na ng bahay. Abalang nagsasalang ng labada si Conshita sa all-in-one washing machine nang may nanawagan sa labas ng bahay. Sabay nito ay nakakabinging nagtahulan ang dalawang aso nila na nasa kabilang banda lang ng bahay nakakulong.

"Tao po?", ang panawagang nakilala agad ni Conshita na nagmumula kay Melvin. Ibinalik muna niya sa planggana ang isang balunbon ng tuyong damit na isasalan na sana niya sa washing machine. Pinunas niya mga kamay niya sa likod ng kanyang suot na t-shirt habang naglalakad papunta sa gate na brown na singtaas ng bakuran ng bahay.

Maingay na lumangitngit ang bisagra ng gate nang buksan ito ni Conshita. Bumungad sa harap niya si Melvin. May kasama itong mestisong lalaki na matangkad ng kaunti kay Melvin at may kulay ang buhok na brown. Matangos ang ilong, maganda ang mga matang may mga malalagong pilik mata, at mamula-mula ang downward-turned lips niya. Pareho sila ni Melvin na nakapambahay lang.

"Tita, friend ko po, si Korey.", pakilala agad ni Melvin sa kanyang kasama. Ngumiti si Conshita dito at bumati.

"Hello po.", ang magalang naman na bati ni Korey Vernon Soriano kay Conshita at nakipagkamay. Pilit man itong ngumiti ay kita pa rin sa kanyang mata tulad ni Melvin na sumasakit ang tenga nila. Pakiramdam nilang tumitibok ang eardrums nila sa bawat tahol ng mga aso. Sinuway ni Conshita saglit ang mga aso ngunit patuloy pa rin ang pagtahol ng mga ito.

"Tita, dala ko na po yung bagong hep-lock ni Jo. Ikakabit ko na po.", sabi ni Melvin.

"Tuloy kayo. Huwag kayong mahiya. Punta na kayo sa kwarto ni Jo. Pasensiya na sa mga aso. Yung resibo, lagay mo na lang sa hapag bayaran na lang kita mamaya.", ang sabi ni Conshita.

Matindi kasi ang alingasaw ng mga napabayaang aso ni Pacorro. Hindi ito gaano naalagaan. Pinaghalong amoy ng bulok at dumi ng aso ang humahalimuyak sa buong paligid. Pinalala pa ito napakaalinsangang panahaon.

Tumingin sa paligid ang dalawa habang naglalakad papunta sa front door ng bahay. Sa kanilang kanan ay nakita nila ang dalawang malalaking German Malinois na nakakulong sa magkatabing hawla. Galit na galit ang mga itong nakatingin sa kanila at lalong bumilis ang pagtahol nang makita sila.

Sabay na pumasok ang dalawa sa front door at nagpagpag ng sapatos. Inabutan ng dalawa si Pacorro na nasa sala sa mga sandaling iyon na naglalaro sa laptop at naninigarilyo.

"Magandang tanghali po.", malakas at sabay na bati ng dalawa habang naglalakad sa maliit na sala. Maingay pa rin kasi masyado ang nakaririnding tahol ng mga aso.

Tumango lang si Pacorro at nginitian sila saglit bago bumalik sa paglalaro. Ilang hakbang lang ay inabot na nila ag kainan sa dulo ng extension ng bahay. Sa kanan noon ay ang maliit na silid ni Josias.

Nakabukas lang ang pintuan ng silid ni Josias. Kita agad ang kamang nakaharap sa bintana ang paanan. Nakatutok ang stand fan sa torso ni Josias.

Sa mga mata ni Melvin, malaking malaki ang pinayat ni Josias matapos ang aksidente. Pumaloob na ang kanyang mga pisngi at lumalim ang kanyang mga mata. Malago na ang tumubong balbas at bigote ni Josias. Hindi mo siya makikila kung matagal kayong hindi nagkita.

May tubong nakasuksok sa mga butas ng ilong ni Josias na nakakabit sa isang green na oxygen tank na mga five feet ang taas. Nakalawit ang feeding tube sa kanang labi nito. Gulay pa rin.

"Buti na lang comatose ang friend mo, ano?", ang sabi ni Korey kay Melvin nang matigil sila sa paglalakad sa harap ng pinto ng silid ni Josias.

"Sira ka. Bakit mo naman nasabi?", ang sabi naman ni Melvin bago ito magnakaw ng halik sa pisngi ni Korey.

"Mawawalan din siguro ako ng malay kung dito ako nakatira; mainit, maingay, mabaho, kulob...", ang sabi ni Korey habang naglalakad papasok sa silid patungo sa may bintana.

"Oo nga eh. Dati pa reklamo ni Jo yan. Rinding-rindi na kaya siya umalis dito.", ang sabi ni Melvin nang sundan niya si Korey.

Sa labas ng bintana ni Josias ang dalawang aso ay tumahimik na ngunit lalong lumakas ang kanilang amoy dahil mas malapit na ang mga ito.

"Alaga ng tatay niya yang mga yan.", turo ni Melvin kay Korey bago niya puntahan ang drawer ng nightstand ni Josias. Nilabas niya rito ang micropore tape, isang supot ng bulak, bote ng povidone iodine, at ng alcohol. Naghanda siya ng limang bilog ng bulak sa ibabaw ng nightstand pagkatapos maghugas ng kamay ng alcohol.

"Paubos na yung laman, oh.", ang sabi ni Korey habang nakaturo sa puting plastik na bote ng saline solution na nakasabit kung saan nakakabit ang suwero ni Josias. Para na itong hinigop paloob.

"Paabot naman ako ng bote sa kabila.", sabi ni Melvin habang nakaturo sa drawer malapit sa pinto na may anim na bote ng saline solution na na.

"Bakit nakasuwero pa rin siya?", ang tanong ni Korey pagkakuha ng bote bago ito iabot kay Melvin.

"Hindi ko alam. Hindi tayo ang duktor.", ang sagot ni Melvin na natatawa sabay hablot sa bote at ipinatong ito sa ibabaw ng nightstand. Pumutol siya ng isang pulgadang micropore tape at idinikit ito sa kanyang hinliliit.

Pumunta si Melvin sa kabilang banda ng kama dala ang isang bulak na may gatuldok na povidone iodine. Dahan dahan niyang inalis ang micropore tape sa suwero ni Josias. Pinatong niya ang bulak kung saan nakasaksak ang suwero at maingat na hinugot ang nakasaksak sa kamay ni Josias. Pinanonood lang siya ni Korey habang dinidikitan niya ng micropore tape ang bulak sa ibabaw ng kamay ni Josias.

Maya-maya, bumalik si Melvin sa kabilang banda ng kama. Kinuha niya ang isang kamay ni Josias na hindi nakasuwero at pinunasan maigi ng bulak na may alcohol. Tulad ng kabilang kamay ni Josias, bugbog na ito sa pinagtusukan ng suwero.

"Nagseselos na ko.", ang sabi ni Korey ng nakangiti habang tiniginan niya si Melvin sa hawak nito sa kamay ni Josias.

"Pag naging gulay ka, aalagaan kita mabuti. Aalis ako sa trabaho para maalagaan kita maigi.", ang sabi ni Melvin.

"Aalagaan mo lang ako?"

"Kung hindi comatose yan may extra kong gagawin sa iyo.", ang natatawang biro ni Melvin habang nakaturo sa harapan ni Korey.

"Sana 'locked-in syndrome' ako kung magiging gulay ako. Para alam ko kung gagawin mo.", ang sagot naman ni Korey.

"Para kang nakakulong noon. Parang Fifty Shades of Grey yun na puro bondage lagi. Type ni Jo, ganon.", at natawa ng malakas si Melvin habang isa-isang pumapasok sa kanyang isip ang mga bagay na pwede niyang gawin.

"Anong type ni Jo ganun?"

"Bondage. Siya ang master.", paliwanag ni Melvin.

"Pano mo nalaman? May nangyari na ba sa inyo?", tanong ni Korey.

"Wala. Wala mangyayari sa amin nitong si Jo. Magugunaw na mundo pag nangyari yun. Kinwento niya lang sa akin.", sagot ni Melvin.

"Isa pa, gulay ka naman na.", dagdag niya.

"Anong gulay na ko?", ang pilyong sagot ni Korey.

"Patola. Isa kang patola. Kasi parang patola...", at napahalakhak ng malakas si Melvin saglit. Ngiting umuling si Korey sa kanyang narinig. It was an arrousing compliment coming from his partner.

"Halika nga dito.", ang sabi ni Korey matapos tumungtong sa ibabaw ni Josias upang halikan si Melvin. Agad na tumayo si Melvin upang magpakipot. Napadagan si Korey sa ibabaw ni Josias.

Parallel na nakapatong ang katawan ni Korey sa ibabaw ni Josias nang mapatingin siya sa mukha nito. Dahan-dahang bumukas ang mga mata ni Josias at nagkatitigan sila. Nanlaki ang mga mata ni Korey samantalang tila disoriented naman si Josias.

"Gising na ata siya.", ang nangangambang sabi ni Korey. Napatingin si Melvin kay Josias habang nananatili silang dalawa sa kanilang lagay.

Umungol si Josias at muling pumikit. Dahan-dahang bumaba sa kama si Korey bago tumabi kay Melvin. Si Melvin nakatitig lang kay Josias, tinitiyak ang kalagayan ng kaibigan.

"Tita... tito... Si Jo po.", ang sigaw ni Melvin. Mabilis na tumungo ng silid ang mag-asawa. Lahat sila nakatingin kay Josias na umuungol pa rin.

Matapos ang isang saglit na makapigil hininga nilang pag abang kay Josias. Umubo ito bigla. Dahan-dahan niyang hinugot ang feeding tube sa kanyang bibig. Agad lumapit sa kanya si Melvin at inalalayan. Masuka-suka si Josias habang marahang inaalis ang feeding tube na mahaba.

"Tita, kuha po kayo ng arinola o batya.", ang sabi ni Melvin habang nasa kalahati na ang feeding tube na nahuhugot mula sa bibig ni Josias. Nangangamoy suka na ang bibig ni Josias.

Namumuo ang mga luha sa mata ni Conshita sa saya sa mga sandaling iyon. Hindi siya agad nakaalis para kunin ang hinihingi ni Melvin. Hindi pa rin siya makapaniwalang gising na ang anak niya. Nanonood lang si Pacorro at si Korey sa kanilang dalawa.

Tumabi si Conshita sa tabi ni Melvin matapos kumuha ng arinolang pink. Agad sumuka ng clear na likido na kaunti dito si Josias. Diring-diri ang paghawak ni Melvin sa feeding tube. Nilagay niya ito sa arinola pagkatapos sumuka ni Josias. Inabot naman ni Conshita ang arinola kay Pacorro upang ilabas ito ng silid. Sumama sa kanya palabas si Melvin upang maghugas ng kamay.

Kahit nakadilat na si Josias, tulala itong humiga muli sa kama. Hinang-hina, tila magulo pa ring ang isip, at malayo ang tingin.

Matangos ang ilong ni Josias, may bridge tulad ng sa tatay niya. Salubong ang kilay niyang masungit at seryoso siya lagi kung makatitig. He has heavy lower lip na kapag ngumingiti siya ay nawawala ang kanyang upper lip.

"Anak?", ang tanong ni Conshita pagkahawak niya sa kamay ni Josias na kaaalis lang ni Melvin ng suwero. Tumingin si Josias sa kanya at naupo sa kama. Tinignan niya ang kanyang mga braso. Kinapa niya ang kanyang tiyan at dibdib. Hinimas niya ang kanyang bigote bago haplusin ang kanyang mahaba't maalon na buhok.

"Ma, ano nangyari sa akin? Bakit nandito ako sa kwarto? Para akong galing sa twilight zone! Gigising ako eto na itsura ko at andyan kayo.", while he was twisting and gently pulling the tip of his hair at kinikilala ang paligid. Naginhawaan naman si Conshita nang kilalanin siya ng kanyang anak.

"Ano pakiramdam mo?", ang tanong ni Pacorro sa kanya. Inalis ni Josias ang tubong nakasaksak sa kanyang ilong.

"Nanlalambot, Pa", at binitawan ni Josias ang kanyang buhok. Guminhawa naman ang pakiramdam ni Pacorro ng marining ang tawag ni Josias sa kanya.

"Ang hirap nga itaas nitong braso ko. Ang bigat. Kahit mga legs ko.", ang sabi niya bago itaas muli ang kanyang brasong nanginginig at iginagalaw ang mga hita. Sa mga sandaling iyon, nasa silid na muli si Melvina at si Pacorro. Si Melvin ay tumabi kay Korey sa kabilang banda ng kama habang si Pacorro naman sa tabi ni Conshita na nasa kanan ni Josias.

"Natulog lang muscles mo. Babalik din yan. Kailangan mo lang gumalaw-galaw. Kilala mo ko?", ang nakangiting sabi ni Melvin.

"Oo naman."

"Ano pangalan ko?"

"Melvin. May lakad nga tayo bukas di ba? Sino siya?", ang sagot ni Josias sabay turo kay Korey.

"Ano huli mo naaalala?"

"Yung lakad natin bukas... Bat' bigla kang tinubuan ng goatee? Ilang araw na ba lumipas?", magulo pa rin ang isip ni Josias.

"One week na lang, 31st birthday mo na.", sabi ni Conshita.

"Binibiro mo ko, twenty five pa lang ako. Kakatapos lang ng birthday ko last month, ma."

"Friend, more than one year kang comatose. Mukhang five years nawala sa past mo.", pag-amin ni Melvin. Nangunot ang noo ni Josias at bahagyang napailing sa di pagkapaniwala.

"I need some time alone. Please leave my room.", ang sabi ni Josias sa lahat. Isa-isa silang nagsilabasan ng silid. Nahuli si Conshita upang isara ang pinto.

"Best siguro po kung sasabihan na po natin ang duktor ni Jo na gising na siya para mapatignan siya.", ang payo ni Melvin kay Conshita. Tumango lang ito. Pinipigilan niya ang sarili niyang umiyak sa awa sa kalagayan ng kanyang anak.

"Salamat Melvin ha?", matapos ang isang saglit ng pag-iisip. Inabot ni Melvin sa kanya ang resibo. Tinignan ito ni Conshita.

"Doon na lang muna kayo maghintay sa sala. Kukunin ko lang ang pera sa kwarto.", paumanhin ni Conshita at tumungo sa kwarto nilang mag-asawa na malapit lang sa sala. Sumunod sa kanya si Pacorro.

Sa loob ng kwarto, habang kumukuha si Conshita ng pera sa aparador na built-in sa pader.

"Paano mo pananatilihin dito anak mo? Ang negosyo natin sa kanya talaga nakadepende.", tanong ni Pacorro kay Conshita.

"Gagawan na lang natin ng paraan. Hindi pwede umalis ulit si Jo. Sigurado di niya naaalala na may bahay siya sa kabilang village na pinapaupahan natin ngayon. Doon ko halos nakukuha ang pambalanse ng kita ng store natin.", ang sabi ni Conshita.

"Alam mong mag-iinit ulo ni Jo kung tulad ulit ng dati. Alalahanin mo kung bakit niya tayo nilayasan noon."

"Wala naman pagkakaiba kung magtatrabaho siya at susustentuhan niya tayo. Mas maganda na magfocus siya sa business natin. Gagawan ko na lang ng paraan.", sang-ayon ni Conshita.

Nang makakuha ng salapi si Conshita ay lumabas na ang mag-asawa at sinamahan sa sala sila Melvin. Inabot ni Conshita ang pera kay Melvin bago umupo sa tabi no Pacorro na bumalik na sa paglalaro.

"Tita, di ba sabi nung nagligtas kay Jo na balitaan siya kapag nagising si Jo? Ano nga po pala pangalan nun?", sabi ni Melvin nang maalala niya.

"Naku, naibenta ko na yung phone ko na iyon. Nandoon pa naman ang number ng gwapong binatang iyon. Peter ata pangalan niya o Patrick."

"Peter po ata. Sayang naman.", ang sabi ni Melvin. Napatingin si Korey sa kanya ng may pagdududa.

"Anong sayang?", bulong ni Korey sa kanyang may pagtatampo.

"Ah... Melvin... Pakiusap lang namin, sana wag ka magbabanggit ng kahit ano tungkol sa nangyari kay Josias. Gusto kasi namin na dito na lang siya. Kami na bahala magpaliwanag sa kanya ng lahat. Sasabihan na lang kita ng detalye kapag nakaisip na kami ng paraan para di na siya umalis dito.", ang pakiusap ni Conshita. Kita sa kanyang mga mata na it's a matter of life and death ang hiling niya.

"S-sige po. Umm... mauna na po kami, tita.", ang agad na tumayo si Melvin sa kanyang upuan at pilit na ngumiti. Sumunod sa kanya palabas ng bahay si Korey.

Nang marinig ng mag-asawa ag pagsara ng kanilang gate, narinig naman nila ang pagtawag ni Josias mula sa kanyang silid. Agad tumungo si Conshita. Naiwan naman naglalaro pa rin si Pacorro sa kanyang laptop.

"Ma, ano nangyari sa akin?", tanong ni Josias nang makita niya papasok ng silid si Conshita. Natigil saglit si Conshita sa pintuan at napaisip saglit. Pilit siyang ngumiti at lumapit sa tabi ni Josias.

"Anak, dati kasi may branch tayo sa Paranaque, doon ka noon madalas kesa dito sa Cherry Grove branch natin."

"Nagkaroon ng branch yung coffee shop natin?!", ang gulat ni Josias.

"Oo, malakas yung negosyo natin eh. Dahil sa iyo. Mahal na mahal mo nga business nati eh. Gusto mo magventure kaya nagkabranch tayo sa Paranaque."

"Ano nangyari sa akin doon bakit ako nagkaganito?"

Saglit na tumahimik si Conshita muli at nag-isip. Bahagyang namutla ang kanyang mga labi nang magkatitigan sila ni Josias.

"N-nadulas ka.", ang simula ng pagsisinungaling ni Conshita ng kanyang nanunuyong lalamunan.

"Nadulas ako? Saan? Sa hagdan?"

"Oo, nadulas ka sa hagdan. Flat footed ka, di ba? Bumagsak ulo mo ng malakas sa hagdan."

"Paano niyo nalaman?"

"Sarado na store noon. Nakita ka ng empleyado natin. Siya yung tumawag sa amin nung sinugod ka sa ospital."

"Gusto ko makilala yung empleyado natin na yun."

"W-wala na. S-sarado na yung branch natin sa Paranaque. Wala na rin kami contact niya.", bigla uminit ang ulo ni Josias sa narinig.

"Anu ba yan! Hanggang ngayon wala ka pa rin sa record keeping man lang!", ang malakas na sinabi ni Josias. Tumahimik na lang si Conshita. Kinakabahan siyang maudyok muli si Josias umalis at iwan sila mag-asawa. Naalala niyang muli ang paulit-ulit na sinasabi ni Josias noon sa kanila na; "Tatayo kayo ng negosyong gusto niyo hindi niyo alam kung paano patatakbuhin!"

"Ang dami kong gustong malaman. Gusto ko kausapin yung empleyado natin na yon.", ang sabi ni Josias habang nakatingin sa bintana at nag-iisip.

"Bukas, kung kaya mo na, pupunta tayo ng ospital.", ang sabi ni Conshita kay Josias. Iniwan niya ang kanyang nag-iisip at pumunta muna sa sala upang tawagan ang duktor. Pinakiusapan niya ang duktor na huwag sasabihin kay Josias ang detalye ng pagkakatagpo kay Josias ng gabing iyon at ipinaliwanag niya dito ang kanyang dahilan.

Isang buwan ang lumipas. Mabilis na nakarecover si Josias sa kanyang nanghinang pangangatawan. Nakapagpagupit na rin siya ng buhok ayon sa usong gupit ng panahon at naalis na rin niya ang humaba niyang bigote at balbas. Nagfocus si Josias sa kanilang negosyo tulad ng kanilang ginusto para sa kanya. Siya lagi ang tumatao sa coffee shop nila mula hapon hanggang sa magsara ito. Minsan, dito na rin siya natutulog upang magbantay o may nagyaya sa kanyang makipag-inuman roon.

Nanumbalik ang dati niyang sigla bagaman marami pa rin siyang di maalala at maraming bagay siyang gustong maalala. Ang pakiramdam ni Josias, may malaking biyak ang buhay at tanging mga katanungan lang sa kanyang isip ang makakatulong sa kanyang malaman ang mga dapat niyang maalala.

Alas onse na ng gabi sa main road na Calle Rosa, malapit na magsara ang "The Hideout" coffee shop nila Josias na three blocks lang ang layo mula sa Calle Gardenia. Ang "The Hideout" coffee shop ay tinayo sa konkreto ngunit pinalamutian ang mga pader nito ng mahogany planks at isang uri pa ng dark wood. Dim spotlights ang nagbibigay liwanag sa mga tables and chairs nito na ang uri at dating ay tipikal na makikita mo sa loob ng Starbucks. Cozy ang ambiance dahil sa ilang mga halamang nasa loob nito. Malalaki ang mga bintana kaya't natural na pinalalamig ang buong paligid ng preskong hangin galing sa labas. Pag pasok mo pa lang ay sasalubungun ka na ng counter agad sa bandang kaliwa ng entrance.

Sa mga sandaling iyon, abalang nagpupunas ng sampung nahugasang tasa si Josias. Tulad ng lagi, nakauniporme siya ng pang barista kapag siya ang tumatao sa coffee shop nila.

"Mauna na ko kuya.", ang paalam sa kanya ng isa nilang empleyadong sa Cherry Grove lang din nakatira.

"Sige. Ingat. Pakipalit na lang yung sign sa pinto.", ang sagot ni Josias ng hindi tinitignan ang empleyado nang dumaan ito sa harap niya.

Saglit na ibinaba ni Josias ang tasang hawak niya at puting basahan. Saglit siyang naghanap sa stack ng CDs sa tabi ng CD player. Nangiti siya nang mabasa niya ang salitang "Capacities" sa isa sa mga albums ng Up Dharma Down. Sinalang niya ang CD nito sa player at walang tiyak na piling tugtog pinaandar niya ang player at tumugtog ang kantang "Tadhana".

Umindak ng nakapikit si Josias sa intro ng musika. Wala namang makakakita sa kanya ang sabi niya sa kanyang sarili. Nang mahawakan niya ang basahan at tasa muli ay biglang may kumausap sa kanya. Amoy rosas ang nangibabaw sa paligid sa mga sandaling iyon.

"Sorry. Nabigla kita. Pwede pa ba magkape?", ang sabi ng boses ng lalaki na may pagkaswabe ang dating.

Sa pagkabigla ay nahulog ni Josias ang kanyang mga hawak. Malakas ang tunog ng pagkabasag ng puting tasa. Natigil si Josias sa pagsayaw at napatingin sa isang matangkad na binatang nakatayo sa harap ng counter. Nakasuot ito ng slim fit low rise na maong at muscle shirt na green. Short and messy ang hairstyle pero sobrang bumagay.

Malambing ang tipid na ngiti ng gwapito sa kanyang harapan. Bumilis ang tibok ng puso ni Josias. Damang-dama niya ang mabilis na pag-init ng kanyang leeg at mga pisngi. Magkahalong hiya at paghanga ang nadarama ni Josias sa mga sandaling iyon.

"Pwede pa ba?"

Natulala lang si Josias sa kanya. Nakatitig sa kanya maigi ang binata. Mata sa mata.

"Totoo ka ba? Kala ko puro pangit mga tao dito sa area namin. Kaya siguro naisipan ko magbukas kami ng branch sa Paranaque noon. Favorite ko rose at amoy rose pa siya.", sabi ni Josias sa kanyang sarili.

"Open pa rin yung sign niyo sa labas. Nagbabakasakali lang ako. Nakita ko kasi pauwi na yung isang barista niyo."

"S-sige. A-ano g-gusto mo?", nang matauhan si Josias. Tinanggap niya na lang ang binata dahil sa tipo niya ito at nahihiya siya sa nagawa niya.

"Ikaw bahala. Kahit anong madali gawin. Ayaw kitang pahirapan. Gabi na rin. Gusto ko lang hindi antukin sa labas mamaya.", ang sabi ng binata.

"Sige ako na bahala. Upo ka lang diyan.", nahihiyang sagot ni Josias sabay turo sa banda ng counter na may upuan sa kanyang kaliwa. Natatarantang inihanda ni Josias ang espresso machine. Panakaw niyang pinagmasdan ang binata na pinagmamasdan ang mga nakabilad nilang cakes.

"Gusto mo?"

"Hindi. Salamat. Diet eh.", sagot nito kay Josias.

"Okay ang music mo ah.", puna ng binata.

"Favorite band ko Up Dharma Down. A-ano pala gagawin mo sa labas mamaya? Wala naman place dito sa Cherry Grove ng ganitong oras.", ang pag-uusisa ni Josias habang sinasalang ang coffee ground sa espresso machine.

"Di ba theme song ng movie yan?", tanong ng binata.

"Hindi ko alam. Di ko ako mahilig manood ng tagalog movies eh.", sagot ni Josias.

"Nawala ko kasi susi ng bahay ng tita ko. Wala dito tita ko ngayon umuwi ng Maynila. Bukas daw sila pupunta dito para bigyan ako ng duplicate."

"A-ahh..."

"Taga dito ka lang ba?"

"Oo. Sa Calle Gardenia lang ako.", ang sagot ni Josias. Nakalimutan niyang itapat ang tasa sa steam wand ng nguso ng espresso machine. Bumuga sa kanyang braso ang mainit na vapor at muli siyang nakabasag ng tasa. Napatayo ang binatang kauupo pa lang sa mga sandaling iyon. Tila nawawala si Josias sa kanyang composure dala na rin ng tugtugin na kanyang naririnig.

"Okay ka lang?"

"Oo... May sira na espresso machine namin pero okay pa rin naman.", ang nahihiyang sagot ni Josias. Namumula na mukha niya sa kahihiyan sa mga sandaling iyon. Sinipa niya sa isang tabi ang nabasag na tasa malapit kung saan nabasag kanina ang unang tasa. Kinuha niya ang puting basahan at pinunasan niya ang kanyang napasong braso. Pilit niyang tiniis ang hapdi at ngumiti sa kanyang customer habang dinadampian niya ng basahan ang kanyang balat.

"Baguhan ka lang siguro ano?", ang pabirong tanong ng nakangising binata.

"Hindi ah. Kami kaya may-ari ng coffee shop na to. Eight years na kong barista dito. Dito na nga ko natutulog eh kapag nagsara na kami. Kung gusto mo tumambay dito hanggang bukas ng umaga, okay lang sa akin. Maglasing tayo sa kape.", depensa ni Josias na may kaunting pagmamayabang.

"Alam mo familiar ka.", pangingiba ng binata.

"Buti ka pa matalas memory. Ako, limang taon ng buhay ko nawala dahil sa aksidente nung mabagok ulo ko nito lang. Nagising na lang ako na may peklat ako.", ang kwento naman ni Josias habang naghahanda ulit ng kape. Saglit niyang tinigil ang kanyang ginagawa at lumapit sabinata upang ipakita ang isang pulgadang peklat na pahalang malapit sa bangs niya na halos di naman halata.

"Ang lungkot naman noon."

"Ano yung pangalan ng pabango mo?"

"Black Aoud Montale. Bakit?", ang natatawang sagot ng binata.

"Paborito ko kasi amoy ng rose. Bibili din ako mahirap kasi humanap niyan."

"Ano nga pala pangalan mo?"

"Espresso machine.", ang naisagot ni Josias. Tila nabingi siya sa tanong ng binata.

"Hindi. Ibig ko sabihin ano pangalan mo."

"Josias Alessandro Felongco. Pero 'Jo' o 'Alex' na lang tawag mo sa akin. Madalas 'Jo' ang tawag ng iba sa akin kasi mas madali bigkasin. Para akong nasa bible kasi pag tinatawag pangalan ko.", ang sabi ni Josias sa kanya habang itinataas niya ang kanyang name tag para sa binata. Saglit na nagiba ang tingin ng binata pagkarinig ng pangalan niya.

"Ikaw? Ano pangalan mo?", tanong ni Josias naman sa kanya habang papunta sa espresso machine.

"Ako? Porter Maximus Quinones. Porter tawag ng lahat sa akin."

itutuloy...

No comments :

Post a Comment

Hope to hear from you! Thank you! ^_^