Monday, April 27, 2015

Red Rose Chapter 04

Pauna:

Pasensiya na sa delay. Salamat JC sa comment mo sa chapter 3. Pasensiya na talaga di ko mai-post. Secret stuff yung bagay na yun na hindi maalam sa mga ganun.

Sana magustuhan niyo ang bigla kong nirevise na plot na story ng paulit-ulit nitong nakaraang mga araw.

Hope to hear your thoughts! Salamat ulit sa mga nagcomment!

Please follow my site or subscribe to my feeds para hindi na kayo bumalik-balik para macheck kung may update ako.

THANK YOU!


Red Rose
Chapter Four: Secret Feelings To A Friend

by Jeffrey Paloma
email: jeffrey.paloma@gmail.com
URL: http://jeffyskindofstory.blogspot.com

Iniluwa ni Porter ang daliri ni Josias. Maigi pa rin siyang nakapisil sa daliri nito. Hindi na dumudugo ang dulo ng hintuturo ni Josias. Nakita niya ang kalahating pulgadang sugat. Nanatili namang tulala lang si Josias.

"May first-aid kit ba kayo dito?", tanong ni Porter. Hindi niya napansin ang pamumula ng mukha ni Josias.

"Nasa stock room sa likod."

"Itaas mo lang yang kamay mo pantay ng mukha mo.", utos ni Porter.

Nang bitiwan niya ang daliri ni Josias ay bahagyang dumugo muli ang sugat nito. Dali-dali siyang tumungo sa tinuro ni Josias at agad na nakita ang kanyang kailangan sa isang toolbox na may red cross na sticker na nakapatong lang sa isang mesa sa roon.

Dahan-dahang itinaas ni Josias ang kanyang kamay pantay sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang sugat sa kanyang daliri subalit nanatiling ginigunita niya pa rin ang nangyari kanina.

Muling kinuha ni Porter ang kanyang kamay nang makabalik kay Josias upang lagyan ng adhesive bandage. Di niya pansin na napako na sa kanya ang titig ni Josias habang siya'y abala.

"Salamat.", ang sabi ni Josias nang matapos si Porter at umupo sa kanyang harap.

"Okay lang iyon. Ako na maghihiwa nito.", sagot ni Porter. Kinuha niya ang tinapay na hinihiwa ni Josias at siya na gumawa ng sandwich nilang dalawa.

Habang pinagmamasdan ni Josias si Porter sa kanyang ginagawa ay naramdaman niyang tila pamilyar ang kanilang eksena ngunit di siya sigurado.

"Tikman mo nga kung papasa ko kung magtatrabaho ako sa ganitong negosyo.", pabirong sabi ni Porter sabay abot ng sandwich kay Josias.

Dahan-dahang kumagat si Josias. Wala siya sa kanyang sarili. Mabagal siyang ngumuya habang hinahanap sa kanyang sarili ang mga kasagutan sa mga tanong na sumusulpot sa kanyang isipan.

Kinuha ni Porter ang kanyang phone bago kumagat sa ginawa niyang sandwich para sa kanya. May tinawagan si Porter. Ilang beses niyang nagredial bago nagsalita.

"Mahal? Gising ka na. Papasok ka pa.", ang malambing na bati ni Porter sa kausap.

Bumalik sa mundo si Josias nang marinig niya ang salitang iyon. Ibinaba niya ang kanyang sandwich sa tabi at pinagmasdan lang si Porter. Si Porter naman, nakatingin sa malayo habang kumakain ng sandwich. Malaki ang ngiti sa kanyang mga labi habang pinakikinggan ang kanyang kausap sa kabilang linya.

"Promise mo kakain ka bago umalis ng bahay, ha?", sabi ni Porter habang ngumunguya.

Tila nawalan ng gana si Josias kumain. Tumungo siya sa refrigerator at kumuha ng isa pang pitsel ng mas malamig na tubig  at agad na bumalik sa kanyang upuan.  Naalala niyang napakabilis niyang mahulog sa kabaitan at lambing na ipapakita sa kanya ng kahit sinong may itsura. Naisip niya, sa ilang taong nawala sa kanya marahil nakailang relasyong sawi marahil ang pinagdaanan niya.

"I love you.", ang huling sinabi ni Porter bago ibaba ang tawag. Nakaramdam ng inggit at pangungulila si Josias.

"Girlfriend ko. Muntik ko na makalimutan may shift siya ngayon. Hirap kasi bumangon yun." 

Pilit na ngiti lang ang sinagot ni Josias sa kanya. Hindi na sila nag-usap pagkatapos. Pinalipas lang ni Josias na nakatitig sa kanyang tasa at paulit-ulit na hinahalo ang tubig na nilagay niya rito pagkaubos niya ng kape. Si Porter naman, ineenjoy ang paggawa at pagkain ng sandwich habang ka-text ang kanyang girlfriend.

Lumipas ang isang oras, tumunog ang alarm sa phone ni Josias nabibili sa halahang sa limang daang piso lang. Natarantang kinuha ni Josias ito mula sa kanyang bulsa upang patayin ang alarm. Napatingin sa kanyang phone si Porter. Agad binalik ni Josias ang kanyang phone sa bulsa sa hiya. Kumpara mo naman kasi ang gamit niya sa kung ano meron si Porter, wala sa kalingkingan.

"Dito ka lang. Bubuksan ko lang harap para sa delivery.", paalam ni Josias bago tumayo at lumabas sa likod ng shop. Tuloy lang sa pagkain si Porter. Sa tagal ng lumipas. Nakadalawa lang na sandwich si Porter dahil mas marami siyang text kaysa pagnguya.

Maingay na umakyat ang roll-up. May makapal na hamog pa rin sa labas. Agad na pumasok si Josias sa salaming pinto at bumalik sa tabi ni Porter. Hindi pa rin sila nag-uusap. Abala pa rin si Porter sa kanyang telepono.

Isang bansot na kayumangging babae ang pumasok sa pintong salamin. Nakapony tail ang basa at mamasa-masa niyang buhok. Bilugan ang mata nito. Sarat ang ilong. May kapal ang medyo itim niyang mga labi. Nakauniporme siya katulad ng kay Josias. May dala siyang brown na messenger bag. Naagaw niya ang pansin ng dalawa sa kanyang pagpasok.

"Kuya, nasa kabilang kanto na yung delivery. Nasiraan yata sila. Ang macho nung nasa ilalim nung sasakyan!", ang maingay nitong sinabi. Di nito napansin na may kasama si Josias.

Nanlaki ang mata ni Josias sa pagkabigla. Pasimple siyang sinenyasan ni Josias upang tumigil sa susunod nitong mga sasabihin. Tumayo si Josias upang salubungin ang kanilang empleyado.

"Ah ganun ba? Baguhan ba? Sana kinausap mo para...", ang sabat ni Josias. Patago niyang nilakihan ang kanyang mga mata. Pasimple siyang tumingin pakanan para ituro sa kanyang likuran si Porter.  Agad nakuta ng babae ang ibig niya sabihin.

"Oo nga. Pag dating nila dito mamaya kakausapin ko siya.", ang sang-ayon ng babae.

"Pasensiya na. Medyo may kalat ako. Bisita ko siya kagabi.", ang sabi ni Josias. Nilapit niya ang babae kay Porter.

"Porter, si Ema. Single and looking. Kaya lang may girlfriend ka na eh.", ang pakilala ni Josias.

"Hi! Ang gwapo mo naman.", ang sabi ni Emalyn at nakipagkamay kay Porter. Isang malambing na ngiti ang binalik ni Porter sa kanya.

"Pamangkin siya ni ate Evelyn.", sabi ni Josias kay Emalyn.

"Sa dami ng sinabi ni ate Evelyn sa akin di niya nabanggit kahit kailan na may tinatago pala siyang napakagwapong pamangkin.", ang kinikilig na sagot ni Ema.

"Pwede na ba kita iwan dito Ema?", paalam ni Josias. Tumungo siya sa kung saan niya iniwan ang laptop upang kunin.  Napatingin si Porter sa kanya. Parang ayaw na niya kasi kasama si Porter.

"Kung gusto mo maghintay Porter, okay lang. Mauuna na para mahabol ko yung araw mamaya. Maglalaba pa kasi ako.", ang sabi ni Josias sa kanyang paglalakad pabalik sa kung nasaan sila.

"Ako na bahala dito at sa kanya, kuya.", singit ni Ema.

"Sasabay na ako sa iyo.", nahihiyang sabi ni Porter sabay tayo.

"Parating na ba tita mo? Madilim pa eh. Wala ka susi ng bahay di ba?", ang sagot ni Josias.

"Oo nga pala ano?", ang sagot ni Porter sabay upo ulit.

"Kaya ko na maglakad ng ganitong oras. Wala na yung aso sa dadaanan ko ng mga ganitong oras. May flashlight naman ako at matalas pakiramdam ko kung may aso sa paligid.", sabi ni Josias sa kanya sabay ngiti. Sa totoo lang, kinakabahan siyang maglakad pa rin sa mga sandaling iyon ngunit di siya makahanap ng dahilan para umalis.

Lumabas si Josias ng shop. Sa kanyang kanan, naaninagan niya ang headlights ng delivery truck na pilit tinatago ng hamog kung saan ito nasiraan habang kinakapa niya sa loob ng kanyang bag ang flashlight. Napabuntong hininga siya nang mailabas ito sa bag niya. Mabagal siyang naglakad pababa ng hagdan patungo sa kalsada. Narinig niyang may mabibigat na paang tumatakbo patungo sa kanya. Lumingon siya't nakita niya si Porter na tumatakbong hawak ang kanyang telepono.

"Jo! Saglit!"

"Bakit?"

"Kunin ko sana number mo.", ang sabi ni Porter sabay abot niya ng phone kay Josias nang maabutan niya ito. Ibinalik agad ni Josias ang phone sa kanya pagkatapos niya ilagay ang kanyang number na hindi man lang ito naise-save pa.

"Salamat sa lahat. Magmi-miscall ako sa phone mo. Save mo number ko ha?", ang nakangiting sabi ni Porter. Tumangong nakangiti din si Josias at nagpatuloy na sa kanyang paglalakad.

Mabagal na tinahak ni Josias ang kalsada pauwi. Blanko ang kanyang isip sa mga sandaling iyon habang pinagmamasdan ang kanyang nilalakarang iniilawan niya ng flashlight. Tumunog saglit ang kanyang telepono tulad ng sabi ni Porter kaya't di na niya tinignan kung sino yung tumawag sa kanya.

May mga ilang sasakyan siyang nakasalubong. Tandang marami na ang gising sa mga sandaling iyon. May isang jeep rin siyang nakasalubong na puno ng pasahero. Naalibadbaran siya sa ingay ng mga sasakyan. Tumigil siyang saglit sa sidewalk at ginamit ang kanyang iPod. Malakas niyang pinatugtog ng paulit-ulit ang mga musicals na kanyang nakolekta mula pa noong siya'y highschool.

Nang matunton ni Josias ang arko ng gate ng Cherry Grove, umupo siya sa gutter upang magpalipas ng oras. Nakaramdam siya ng matinding pangungulila sa mga sandaling iyon. Hindi niya maipaliwanag ang dahilan kung bakit siya nagkakaganoon. Tila may isang malaking puwang sa kanyang dibdib ngunit hindi niya alam kung ano ang nawawala sa kanyang buhay para mapunan ang bagay na iyon.

Samantala sa shop, huminto ang kotseng pula ni Melvin. Nagmamadali itong tumungo sa loob. Nakabihis si Melvin gawa ng galing siya sa trabaho.

Nang makapasok siya'y nagkatitigan sila ni Porter. Pareho silang may mga titig na pilit inaalala kung saan sila huling nagkita. Na para bang kakilala na nila ang isa't-isa ngunit di nila maalala kung kelan.

"Ema, wala na si Jo?", ang sabi ni Melvin kay Ema na sa mga sandaling iyon ay inaayos ang nakalagay sa refrigerator para sa pagdating ng delivery. Si Porter naman ay balik sa kanyang telepono at patuloy sa pagte-text.

"Ay kuya kaaalis lang kanina. Baka maabutan mo sa daan.", ang sabi ni Ema saglit bago bumalik sa kanyang ginagawa. Lumabas si Melvin ng shop matapos marinig ang sagot at agad na bumiyahe pauwi.

Nang matunton niya ang gate ng Cherry Grove ay napansin niya sa gilid ng kalsada si Josias. Napatingin sa kanya si Josias nang mailawan niya ito ng kanyang headlights. Tumayo ito at lumapit sa kanyang sasakyan. Binaba naman ni Melvin ang salamin ng binata para makadungaw si Josias.

"Ano ginagawa mo diyan?"

"Wala. Nagpapatila ng hamog at dilim."

"Yung totoo, friend? Late ka na para maghanap ng booking.", ang biro ni Melvin.

"Sira."

"Sakay ka na.", yaya ni Melvin sa kanya. Pumasok naman sa kotse si Josias at umupo sa kanyang tabi.

"Punta ka ba mamayang gabi?", tanong ni Melvin bago paandarin ang kotse papasok ng gate.

"Ano meron?"

"Magpapaparty si Hugo sa bahay niya."

"Bakit?"

"As usual, magpapaparty siya para may makilala siya sa mga dadalhin ng mga bisita niya para jowain. Tulad ng sabi niya, why go out to meet someone when you can just bring them to you.", ang sabi ni Melvin. Natawa si Josias.

"Sabagay. Sa tanda niyang yun di na siya papansinin sa mga bar at papagurin lang niya sarili niya sa biyahe.", humahagikgik na sabi ni Josias.

"True. Isa pa, booking lang din naman habol nun for sure. Parang home service lang na kinukuha niyang mga masahista.", ang sabi ni Melvin.

"Nakakahiya naman sumama. Ikaw na lang."

"Tangi. Sumama ka. Maraming pupunta doon. Baka makahanap ka rin ng jowa."

"Ayoko ng long distance relationship."

"Kahit one night stand?"

"Saan namin gagawin? Sa talahiban dito sa atin? Takot din ako magkasakit. Baka may AIDS pa yung dumali sa akin. Alam mo naman mga bekbek sa kamaynilaan halos lahat mayroong sakit."

"Ang boring mo talaga friend."

"May choice pa ba ako?"

"Speaking of makikilala, may gwapong customer agad kayo dun sa shop na super gwapo.", ang excited na sinabi ni Melvin.

"Pamangkin ng suki namin yun. May girlfriend na yun."

"Mukhang hindi naman straight."

"Linya ko yan. Isa pa, straight man o hindi, may jowa na yun. Tinawagan niya kanina. Lambing nga eh.", ang sagot naman ni Josias na parang naaalibadbaran.

"Type mo no?", ang puna ni Melvin sa kanya. Paliko na sila sa Calle Gardenia sa mga sandaling iyon.

"Aanhin ko ang di pwede? Disappointed lang ako."

"Marami naman diyan friend."

"Dito? Marami?", ang sarcastic na sagot ni Josias sabay ng kanyang pilit na pagtawa.

"Marami dito."

"Mas madalas akong nakikisalamuha sa mga taga rito. Marami lang dito, pabooking na lalaking feeling gwapo at macho pero walang maipagmamalaki."

"Nakasubok ka na friend?"

"Wala. Balita ko lang at wala akong balak sumubok at siguradong intriga yun. Sila na lang ang kung anong meron pag-aagawan ang mga parloristang kapatid natin sa lugar na to. Isa pa, ang chismis! Alam mo naman mga tao dito kungwari ang lilinis ng buhay pero sa labas ng Cherry Grove lahat nagaganap lahat ng baho...", nagsisimulang mairita na si Josias. Mabagal ang pagpapatakbo ni Melvin ng sasakyan. Pigil siyang natatawa kay Josias.

"... At ang mga tao dito ang libangan lang mainggit, manira, at magyabang lang ang alam. Mga ipokrito! Kala mo napakabanal ang dami activities din sa simbahan at mga post sa social networking accounts pero sila yung mga mahilig manira, makielam..."

"Friend...", pilit ni Melvin pigilin ni Josias ngunit ang bilis na nito magsalita at di na niya mapigilang matawa.

"...tapos mga tao dito napakafriendly talo pa kamag-anak kung maging close kapag may kailangan sa iyo pero kapag wala ni hindi ka mabati-bati kapag nakakasalubong mo sa kalsada. Makalibre ng inom, makalibre ng gimik, makalibre ng...", ang  litanya pa ni Josias habang nagbibilang sa kanyang daliri.

"Tama na friend. Ang puso mo. Highblood ka nanaman. Kulang ka na siguro talaga sa sex.", ang natatawang sinabi ni Melvin sa kanya. Natigil si Josias sa kanyang sinasabi matapos bumuntong hininga.

Nang makarating sila sa harap ng bahay ni Melvin ay bumaba na si Josias bago ipasok ni Melvin ang kotse sa kanilang garahe.

"Friend, punta tayo mamaya kila Hugo ha?", ang sabi ni Melvin bago pumunta si Josias sa kanyang bahay.

"Yung jowa mo? Di mo ba isasama?"

"May pasok si Korey eh. Sige na. Please? Samahan mo ko mamaya.", ang sabi ni Melvin habang nakapout ang mapula't makapal niyang mga labi.

"Oo na. Sige na. Ano oras?", ang galing sa ilong na sagot ni Josias. Agad na ngumiti si Melvin.

"Mga seven? Dun na tayo magdinner.", sabi ni Melvin. Tumango lang si Josias at umuwi na sa kanila.

Agad naglaba si Josias pag dating niya sa kanila. Sa sobrang pagod ay nakalimutan na niya ang mga gusto niyang gawin na nasabi niya kanina. Nakalimutan rin niyang i-save ang phone number ni Porter sa kanyang telepono. Maagang nagising si Josias nung hapon rin na iyon upang makapamili ng kanyang susuutin para sa gabing iyon.

Alas otso na nang makauwi si Melvin. Agad siyang naligo muli at nagbihis para sa gabing iyon lang. Late man ngunit okay lang kay Melvin na ganung oras na sila nakaalis. Naka slim-fit low-rise siya na maong at slightly loose medium v-neck black shirt samantalang si Melvin naman ay katulad ng maong ni Josias ngunit tinernuhan niya ito ng puting fitted shirt. May dalang batuta ang dalawa. Pamalo sa aso kung may makasalubong man silang balak silang kagatin.

Naglakad lang ang dalawang magkaibigan Calle Jasminum Sambac kung saan naroon ang bahay ni Hugo. Tulad ng lagi, walang humpay na nagkukuwentuhan ang dalawa sa kanilang paglalakad.

Excited na naghintay sa labas ang dalawa matapos pindutin ang doorbell nang marating nila ang isa sa pinakamaganda't malaking bahay sa Cherry Grove - ang mansyon ni Hugo. Pangalawang beses pa lang nakapasok ang magkaibigan sa bahay na ito dahil madalas wala si Hugo.  Puti ang mataas na bakod nito. Hindi kita ang loob mula sa labas. Halatang mayamang-mayaman ang nakatira dito.

Ilang saglit ang lumipas bago sila pagbuksan ng gate. Isang lalaking may magandang katawan na naka-short shorts lang ang bumati sa kanila. Natulala ang dalawa sa kanya't tinignan siya mula ulo hanggang sa shorts. "Gay Paradise" ang tawag ni Josias at Melvin dito dahil sa puro may itsura at maganda ang katawan ng mga tauhan ni Hugo na nakatira dito. Ang uniform nila kapag umuuwi si Hugo - white short shorts lang.

"Si Hugo?"

"Pasok kayo, sir. Nandoon na po sila sa likod.", ang bati ng lalaki sa kanila na nakangiti. Di na nagpatumpik pa ang dalawa.

May mahinang party music nang maririnig. May mga ilang bisita sa harap ng bahay ang nakatayo't nag-uusap habang naninigarilyo tila may hinihintay pang darating na bisita. Tumungo ang dalawa sa magarbong tahanan ni Hugo kung saan naroon ang pool.

Malawak ang likuran ng bahay ni Hugo. Handa para sa mga party talaga. Sa swimming pool, may apat na empleyadong nakasuot ng pulang trunks si Hugo na ang trabaho lamang ay magswimming sa gabing iyon. Sila ang attraction sa party ni Hugo.

Sa ligid ng pool ay may ilang bisitang nakatayo. Nag-uusap, umiinom ng alak, nagyoyosi, at pinanonood ang lumalangoy at maya't-maya'y umaaahon na mga lalaki para sumayaw o pasimpleng ipangalandakan ang kagandahan nila.

May mga sampung mesa sa labas ng pool area, sa bawat mesa ay may apat na upuan. Ilan sa mga ito ay may mga bisita na ang nakaupo na't kumakain at umiinom habang masayang nag-uusap.

Mula sa kanilang pagpasok, tantiya ni Josias na mga singkwenta marahil ang lahat ng bisita roon kasama sila. Di maiwasan ng magkaibigan ang mapangiti sa ganda ng gabing iyon.

"He never fails.", ang sabi ni Melvin nang matunton nito ang mesang malapit sa buffet table kung saan naroon si Hugo kasama ang ilang bisitang may itsura. Sa kanilang pagdating ay umalis naman ang kausap ni Hugo na mga bisita.

Si Hugo ay mahigit sa singkwenta na ang edad. Maputi na ang buhok ngunit itim pa rin ang kilay. Hawig niya si Cesar Millan at kasing tangkad lang niya si Melvin.

"Hugo!", ang bati ni Melvin sabay tapik nito sa balikat.

"Melvin! Jo!", ang bati naman ni Hugo sa kanila. Tumangong nakangiti lang si Josias sa kanya at nakipagkamay.

"Formal masyado.", ang sabi ni Hugo kay Josias at humingi ng yakap. Niyakap naman siya ni Josias at nakipag-beso bago sila ni Melvin umupo ng magkatabi sa kanan ni Hugo.

"Nasaan ang partner mo, Melvin?", tanong ni Hugo.

"May pasok eh."

"Eh ikaw, Jo? Kamusta ka na? May amnesia ka daw?"

"Eto, wala pa rin naaalala. Okay naman."

"May boyfriend ka na?"

"Hindi ko alam."

"Wala bang naghanap man lang sa iyong Prince Charming? Huling beses na nagkausap tayo dati sabi mo meron ka.", ang tanong ni Hugo bago uminom ng wine.

"Wala eh. Baka nagbreak na kami. Kaya I'm assuming single talaga ako.", ang sabi ni Josias.

"Well, this party is for us singles. Sana may makilala ka.", ang sabi ni Hugo sabay hawak sa kamay ni Josias.

"Buti pa kayo.", ang pabirong sabi ni Melvin.

"Magtigil ka.", ang sabi ni Hugo sa kanya.

"Kumain na ba kayo?", tanong ni Hugo kay Josias. Nakangiting umiling ng sabay ang dalawa sa kanya.

"Kumain na kayo. Mamaya magpapabaha na ako ng alak! Huwag kayo mahiya. Organic lahat ng naka-serve. Hindi nakakataba. Kung gusto niyo kaining ang waiter dalhin niyo lang sa itaas!", ang mabonggang sabi ni Hugo habang inilalahad ng kanyang kaliwang kamay ang buffet table sa kanyang likod. Naka-bow tie na itim at nakatrunks na pula dalawang mestisong waiter na naroon.

Nailing ng nakangiti ang magkaibigan ng makita ang mga waiter bago tumayo at pumila sa buffet table.

"Hindi ko alam ang kakainin ko, friend.", sabi ni Josias na may kilig. Ang isang cute na waiter ay nakikipagtitigan sa kanya nang nakangiti. Naitakip niya sa kanyang bibig ang kakukuha lang niyang plato.

"Ako rin, friend. Nahihilo ako sa choices.", ang sabi ng nauna sa pilang si Melvin.

Habang namimili ang dalawa ng ipalalagay nila sa kanilang plato, isang kayumangging chubby na kasing tangkad ni Josias sumunod sa kanila. Sarat ang ilong nito't bilugan ang mga matang may salamin.

"Jo?", ang paniniguro nito.

Napalingon si Josias sa tabi niya. Pilit niyang kinilala ang nerdy na lalaki saglit.

"Ako to! Si Marquise Eli Pinero? Tumaba na ko!", ang natatawang pakilala nito sa kanyang sarili.

"Marquise... Eli... Pinero?", ang sagot naman ni Josias. Tumango ito at ngumiti bago siya paluin sa pwet. Di pansin ni Melvin ang dalawa't nagpatuloy lang sa pila.

"Kamusta ka na?! Akala namin patay ka na! Bigla kang nawala sa Facebook. Di ka nagpaparamdam. Di ka rin sumasagot."

"Ha? Sorry. Naaksidente kasi ako. Five years nawala sa memory ko.", ang paumanhin ng naguguluhan pa rin na si Josias.

"Really?", di makapaniwala si Marquise.

"Kuha muna tayo ng pagkain. Usap tayo later.", ang sabi ni Josias sa kanya nang mapansin niya na humahaba na ang pila ng sumunod sa kanila.

"Doon lang kami sa table ni Hugo nakaupo.", ang paalam ni Josias sa kanya bago bumalik sa paglagay ng pagkain sa kanyang plato.

Bumalik ng sabay si Melvin at Josias sa table ni Hugo. May ilang bisita na ang nakaupo doon maliban sa pwesto nila. Humahalakhak ng malakas si Hugo sa mga sandaling iyon.

Ilang oras ang lumipas. Nakatayo na ang karamihan sa mga bisita. May nagkukuwentuhan, nakikipagkilala, nagsasayaw kasama ang empleyado ni Hugo, may umiiyak sa isang sulok malayo sa karamihan kasama ang ilang kaibigan, may lasing na't nakatulog sa mesa, may mga tumalon na hindi man lang nagbihis dala ng kalasingan, may dalawang drag queen din na kararating lang. Si Melvin at Josias, nasa mesa pa rin nila kasama si Hugo umiinom ng alak at dalawang empleyado ni Hugo ang nakabantay sa kanila. Ang dalawang magkaibigan ay nakasalampak na sa kanilang upuan.

"Alam niyo dear, dalaginding pa lang kayo magkaibigan na kayo di ba?", ang tanong ni Hugo. Medyo malakas na ang boses niya't kita na sa kanya na tinamaan na siya ng inumin.  Sabay silang tumango sa kanya.

"Buti bakit di kayo nagkatuluyan?", tanong ni Hugo. Nagkatinginan at nagkahiyaan si Josias at Melvin.

"Napakapormal niyong dalawa sa isa't-isa. Hindi kayo nagdidikit. Parang may ruler kayo sa pagitan lagi. Hindi ko kayo nakita man lang tulad ng ibang mga bampira na tulad nila...", sabi ni Hugo sabay turo sa ilang bisita na malambing sa isa't-isa kahit magkaibigan lang. Nakapatong ang hita ng isa sa isa. Mayroon magkaakbay.

Biglang naalala ni Josias ang nakaraan nila ni Melvin. Sabay silang papasok noon sa unibersidad. Nakatulog siya sa biyahe at nagising na lang siyang inaalis ni Melvin ang kanyang salamin. Napangiti si Josias. Uminit ang kanyang dibdib at napuno ng saya.

"...Hindi ba kayo tinatamaan sa isa't-isa? Pareho ba kayong bottom o top?", ang pag-uusisa pa ni Hugo.

"Hindi naman sa ganun.", sabi ni Melvin.

"Matagal ko nang mahal si Melvin. Nahulog ako sa kanya mula nung highschool pa kami. Ayoko nakikitang malungkot siya. Masaya na ko pag alam kong masaya siya. Pero...", ang nasabi ni Josias dala ng kalasingan. Natigilan siya nang marinig niya ang kanyang sarili. Gulat na napalingon sa kanya si Melvin. Nanlaki naman ang mga mata ni Hugo.

itutuloy...

5 comments :

  1. This is evolving into some really serious writing. Halata nang meroong solid plot line ang kwento. Thumbs up to you jeffy. Sana mapanatili mo ang interes ng mga mambabasa, and as with any worthy endeavor, maintain that high level of integrity when it comes to your goals and aspirations and you're well on your way.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thank you! Sana nga magustuhan pa rin nila kung paano at ano ang sinusulat ko. ^_^

      Delete
  2. ... pero... ano na???
    Ahahaha!!!
    Hi Kuya Jeff! *muah!* ngayon lang ako ulit nakapagbasa.
    -JC

    ReplyDelete
  3. asan na po ang kasunod. slamat

    ReplyDelete
  4. Huwaaahhh!!! Nawawala si kuyaaa!!!

    Kuya Jepopoy, I know busy ka kaya take your time... I can wait forever kahit walang forever.

    naghihintay at nagmamahal sa iyo,
    -JC

    ReplyDelete

Hope to hear from you! Thank you! ^_^